Sa inyo pong kaalaman, ako po si Carlos, isang binatang dalawampu't anim na taong gulang at naglilingkod sa isang tindahan ng telepono sa malapit na mall dito sa lugar namin. Ako ay nabubuhay na lamang mag-isa matapos akong mawalan ng aking mga magulang sa isang trahedya dalawang taon na ang nakalilipas. Sila ay pumanaw dahil sa aksidente.
Tanging anak lamang po ako at hindi ako binigyan ng biyaya na magkaroon ng mga kapatid. Halos lahat po ng aming mga kamag-anak ay nasa probinsya kaya't mas pinili ko na manatili na lamang dito sa bahay ng aking mga magulang at sa aking kinalakihang lugar upang hindi ako mahirapan sa pag-aayos ng aking buhay.
"Kuya, pakitabi na lang po kayo diyan sa kanto. Lalakarin ko na lang po papunta sa paradahan dahil malalate na po ako," ang sabi ko sa drayber ng tricycle habang napapansin kong medyo may trapik sa lugar na aming dinaanan.
Pagkatapos po nito ay nag-abot na ako ng bayad sa kanya matapos niyang itabi ang tricycle sa tabi ng kalye. Nagmamadali po akong bumaba at naglakad papunta sa paradahan ng jeep ng bigla ko pong napansin ang isang kilalang hugis ng katawan ng isang lalaki na nakaupo sa ilalim ng puno ng alatiris.
Dinukot ko po ng tatlumpung piso sa aking pitaka habang papalapit sa kanya.
"Magandang umaga ho, Mang Ruben," bati ko sa matandang lalaki ng may ngiti sa aking mukha at abot sa kanya ng pera. "Pambili na lang po ninyo ng pagkain," dagdag ko pa.
"Maraming salamat ho, iho. Hulog ka talaga ng langit sa akin," ngiti rin naman niyang sagot.
"Wala po iyon. Basta ba para sa inyo po ang gagastusin ninyo, iyon ang mahalaga," biro ko pa sa kanya.
"Oo naman ho," tugon niya.
"Sige po, mauna na po ako," paalam ko sa kanya bago ako lumakad palayo.
"Ingat po kayo, iho," pahabol pa niya sa akin.
Siya po ay si Mang Ruben. Siya ay dating takbuhan ng mga drayber ng jeepney at tricycle dito sa lugar namin. Siya ay mayroong talyer noon at kilala siya bilang isang magaling na mekaniko, subalit dahil sa malungkot na pangyayari ay nagkaroon siya ng napakalaking kamalasan dahil sa kawalanghiyaan ng kanyang asawa.
Halos lahat po ng mga taga-subdivision ay alam ang istorya ng pangangaliwa, panloloko at pag-iwan na ginawa ng kanyang asawa sa kanya, walong buwan na ang nakalipas.
0 Comments